![](https://blogger.googleusercontent.com/img/b/R29vZ2xl/AVvXsEiBf9XibQhI9-_xcewwH9mt3gLZ06PErr-WrjijWaqr3vLIg0-UKHFJQDHFjv6ITHLmKXd5UIiyETGaObSNJfJeYUecnxiI5iLbp-hBN_hsztmytFxuyma1UfyK2hRv40iodl1fYXL6yqZ1/s320/images+(2).jpg)
Marahil ay nasaisip ng mga magbabasa nito na masyadong hindi makatao ang paksa ng artikulong ito, ngunit nais ko lamang maging makatotohanan sa mga nangyayari sa totoong mundo. Inilagay ko ang sarili ko sa lugar ng mga may-ari ng lupa at ng mga taong nakikitira sa lupa ng may lupa o mas kilala natin dito sa Pilipinas sa tawag na "Squatters".
Ang mga susunod na talata at mga salita ay ukol lamang sa obserbasyon, opinion at reaksyon ko sa mga pangyayari. Sa lahat ng masasaktan, maiinis o magagalit humihingi na po ako ng paumanhin ngunit hindi nito mababago ang nais kong sabihin ukol sa paksa. Maaaring maging marahas ang mga susunod kong ilalahad, kung sakaling hindi ka handa sa mga maaaring nilalaman nito, nasa tamang lugar ka pa para tanggalin ang mata mo.
Isa isahin natin ang mga dahilan kung bakit hindi dapat magpatira ng squatters sa lupang pinagpaguran at pinundar mo.
Una, Ayaw ng umalis ng mga pinatira mo sa lupang sa totoo naman ay sayo.
Kahit ilang buwan, taon o daang taon mo pa sila bigyan ng palugit upang maghanap ng bagong matitirahan, hinding hindi pa rin sila aalis at ipaglalaban nila ng patayan ang pagtira sa lupa mo. Isa sa mga malimit na gamiting dahilan ng mga squatters ay doon na sila pinanganak, doon na sila lumaki, doon na sila nag-asawa at doon na din sila mamamatay.
Sabihin man nating papilosopo ang mga sasabihin ko, pero di ba dapat magpasalamat pa sila na pinatira sila sa lupang hindi sa kanila at hindi sila lumaki sa kalsada? Pinanganak? Lumaki? Nag-asawa? Tumanda? Hindi ba't kung tutuusin, e baka di ka na nga pinanganak, lumaki, nakapag-asawa o tumanda kung sakaling hindi kayo pinatira sa lupang kinatitirikan ng bahay nyo ngayon? Marahil nga kung sa kalsada ang mga magulang nyo tumira e di na kayo pinanganak? Eh bakit hindi na lang kayo magpasalamat sa taong pumayag na tumira kayo ng libre sa lupang hindi naman sa inyo? Bakit kaya hindi nyo na lang ibigay ng mahinahon ang lupang iba naman talaga ang nagmamay-ari?
Pangalawa, malaking gulo, abala at gastos sa pagbawi ng lupa mo.
![](https://blogger.googleusercontent.com/img/b/R29vZ2xl/AVvXsEgLgVtQ4eoH7P5PXjAKhtUgPGpVpgxPzJpZerhlyUI0dEoPad47Kywm_tCrBrkEjPaUX6JpmM4wLQt9MsNFrRA4tR2yUYUQ7jBPGn5kV1iSYlb50OlMttg8hbuK2g6wrkl67kGvlxkDuZor/s1600/images+(3).jpg)
Sa oras na kailangan mo na ang lupang pinaglaanan mo ng dugo at pawis para maipundar, kelangan mo munang makipag-gyera sa mga taong pinatira mo sa lupa mo. Maliban sa abalang dulot ng pakikipag usap sa mga squatters (na kung sa una pa lang ay di mo na pinatira, eh sana magagamit mo agad ang lupa sa kahit papanong paraan, kahit kailan mo pa gustuhin.), Kelangan mo din umupa at gumastos pasa sa "demolition team" na tutulong sayo sa pagtanggal ng mga barong-barong at maihanda ang lupang gagamitin mo. Sigurado din na kelangan mo makipag ugnayan sa barangay at police dahil makikipagmatigasan pa sila at lalaban sa araw ng demolisyon.
Hindi po ba maaaring walang masaktan at maging gulo sa pagbawi ng may-ari sa lupang pansamantalang kinatatayuan ng bahay nyo? Hindi po ba maaari na lamang na sa panahon na binigay sainyo bilang palugit upang maghanap ng bagong titirahan, gawin nyo na lamang ang dapat at huwag ng makipag matigasan? Alam ko, ang karamihan sa inyo ay may sariling lupa at maaaring kabuhayan sa probinsya, kung saan mas magiging maayos ang buhay nyo, ngunit mas gusto nyo pa rin tumira sa syudad kung saan mas mapanganib at mahirap sainyo ang buhay, ganun na din sa mga anak at magiging apo ninyo. Bakit hindi na lamang kayo umuwi sa mga probinsya nyo kung saan hindi man kasing hi-tech ang buhay, mas simple, madali, maayos at masaya naman para sa buong pamilyo ang araw-araw na pakikipagsapalaran.
Pangatlo, Mataas ang posibilidad na dumumi o maabuso ang lupa mo.
![](https://blogger.googleusercontent.com/img/b/R29vZ2xl/AVvXsEgUt2zWmg2j3LZtIZ1FwAZsNBGJFaTriS9MSQys2DWC0_8kSsQW2h8L4u18_QJx4PKs_FVHCFNovMN2NCPwsJ7gUPP30KKB4SY0HX8oNDJXotfQbXaILJJBzXYfbhpFp4GLWvoK4bMHFAbQ/s320/images+(4).jpg)
Magpakatotoo na tayo, may nakita na ba tayong squatters area na malinis? maduming istero, basura sa paligid, basura sa ilog o kanal at kung anu-ano pa. Mas gugustuhin ko pang magkaroon ng lupang puno ng damo na madaling linisin, kumpara sa lupang puno ng basura na maaaring makasira sa lupa at tubig na maaari mong magamit sa hinaharap.
Pang-apat, magiging masama ka sa mata ng lahat sa oras na kukunin mo na ang lupa mo.
Siguro, may mga taong makikiusap sayo na kung maaari ay makapagtayo muna sila sa lupa mo ng bahay, at kapag gusto mo na itong bawiin ay aalis sila ng mahinahon. Oh come on, magpakatotoo ulit tayo, halos lahat ng pagpapaalis ng mga squatters e parang gyera ang eksena. Sa batuhan, matigasan at madugong labanan kadalasang humahantong ang mga ganitong pangyayari. nariyan pa ang welga sa harap ng bahay nyo, ang kapit bisig na akala mo ay naulit ang "martial law". Ang taong noon ay nagmabuting loob para magpatira sa lupang pinaghirapan nya, ngayon ay sasabihan pa ng sakim at masama.
Panglima at huli, Madaming hinihingi at reklamo kahit bibigyan mo ng ng bahay at lupa kung saan sila maaaring tumira.
Sa oras ng relokasyon, na bibigyan na sila ng mura o sariling lupa't bahay, magmamatigas pa rin ang mga taong ito at madami pang hinihinging kapalit sa pag-alis nila at reklamo sa ibibigay nyong libreng lupa't bahay. Kesyo daw malayo sa lungsod at hanap-buhay, kesyo daw hindi masyadong maganda o matibay ang bahay na lilipatan nila at kesyo daw dapat bigyan sila ng perang panimula sa bago nilang buhay. Anak ng teteng naman, nagmagandang loob ka na, nagpatira ka na, bibigyan mo pa ng SARILING BAHAY AT LUPA (na sa simula nga e wala naman silang dahilan para magreklamo at dapat magpasalamat pa dahil hindi naman talaga sila ang may ari ng lupa na pinaglalaban nila, BIBIGYAN na sila ng lupa at bahay , magrereklamo pa?? ang swerte na nga nila!!!!), gagastos ka pa ng perang ibibigay sa kanila. Huwag na lang uy!! Kung sakaling di man ganun katibay ang pundasyon ng bahay na lilipatan nyo, ano ba naman ang magtrabaho upang makabili ng semento o mga materiales na magpapatibay dito, kumpara naman sa barong barong na dati nyong kinaluluklukan.
![](https://blogger.googleusercontent.com/img/b/R29vZ2xl/AVvXsEhvB6CVLrBNyQMws9ggMbWzbz1pBTYwHI2NHgyX6BiOSqUbErk8EWPEVsGxqjopN_le8p-ReFfBEwH-GS3N44N5Wd0GKT0xFNdArWhP5lpxtQWxjbugA1VHcExYRcnEno_OfpukFWe72uZw/s320/images+%25281%2529.jpg)
Utang na loob naman, ano ba gusto nyong lupa, yung nasa subdivision? Yung nasa gitna ng Maynila? Yung malapit sa trabaho? Ano ba gusto nyong trabaho, yung nasa bangko? Nasa opisina?. Bibigyan na po kayo ng lupa at bahay, bigay po yan kaya di nyo na kelangan maghirap para maghanap ng bagong tutuluyan. Siguro nga malayo sa gusto nyong trabaho pero huwag na po tayong mapili, gamitin na lang natin ang kung ano ang meron tayo sa kapaligiran. Wala man diyang matataas na gusali, nariyan naman ang lupa na maaari nyong sakahan o taniman ng prutas at gulay, ilog o dagat na maaari nyong mapagkuhanan ng isda at ibang kabuhayan. Kung nais nyo pong makipagsiksikan at magkaroon ng bahay na nasa lungsod, kinakailangan nyo po ng malaking pera upang makabili ng lupa o pangrenta ng bahay.Opo, kinakailangan na ang lugar kung saan kayo malilipat ay malapit sa hanap-buhay, ngunit maaari kayong makakuha ng hanap-buhay kahit saan, di naman nakasaad sa batas na kailangan mataas na hanap buhay ang malapit sa inyo. Ang kailangan nyo lang e maging maparaan at gumising sa katotohanan.
Mahirap magkalupa, dugo't pawis ang kailangan mong ipundar upang makabili ka ng kapirasong mapagtatayuan ng bahay mo. Sana naman po ay ibigay natin sa mga naghirap ang dapat sa kanila. Ang dahilan kung bakit may mga taong pagod ng tumulong, ay dahil iyon sa mga taong umaabuso. Mas mabuti pang sa simula pa lang ay tumanggi ka na sa mga pakiusap at maging maayos ang lahat sa hiraharap, kumpara sa pagtulong at pagmamabuting loob na sa huli naman ay ikaw pa ang mahihirapan at magiging masama. Lahat ng mabubuting tao ay magbabago, kung sa paggawa ng mabuti sila pa ang maaabuso.
BAGUHIN NA NATIN ITO!!
No comments:
Post a Comment